Sampung araw na lang at Pasko na......... Pero bakit parang hindi ko yata nararamdaman ito? Andyan ang traffic...oo, nakabili na ako ng mga pangregalo... oo (pero hindi pa kumpleto at tamad na tamad akong balutin ito), may Christmas lights na dito sa bahay... oo, marami na akong naririnig na Christmas carols... oo. Pero bakit nga ba hindi ko pa ramdam ang Pasko?
Dahil ang hinahanap ko ay ang Pasko na walang bangayan, ang mga tao lahat nagmamahalan. Pero sa mga pangyayari ngayon dito sa bansa natin, lalo na sa usaping pulitika, puro bangayan at siraan ang naririnig ko. Hindi ako mahilig makisawsaw sa mga ganitong usapin dahil sa totoo lang AYOKONG AYOKO ng Pulitika. Dahil para sakin ang pulitika ay madumi! Nakakasira ng pagkakaibigan, ng pamilya at ng pagkatao.
Sa nangyayari ngayon, saludo ako sa ginawa ng Gobyernong Aquino kay Gng. Arroyo. Alam naman natin lahat ang mga katiwalian, kasinungalingan at panloloko na ginawa ni Gng. Arroyo sa taong bayan nung siya ay nanunungkulan pa bilang Presidente ng Pilipinas. Meron lamang sana akong hiling sa Gobyernong Aquino, sana asikasuhin din niya ang Ekonomiya ng bansa lalo na ang taong bayan (na sinasabi niyang BOSS niya), huwag lang sanang puro "personal vendetta" ang gawin niya. Madami sa atin ang natutuwa dahil para tayong nanonood ng teleserye (ika nga ng mister ko), ang drama sa airport ng hindi pinayagan lumabas ng bansa ang mag asawang Arroyo, ang pagsasampa ng kaso at pagbigay ng warrant of arrest kay Gng. Arroyo. Hindi ba parang teleserye lang? Ang dating mga nasa kapangyarihan, babagsak at maghihirap? Parang magandang gawan ng script to para sa isang teleserye o pelikula.
Sa impeachment kay CJ Corona, malamang kasama din ito sa istorya. Pati na din ang pagbigay ng warrant of arrest kay Abalos at kung kanino pa man na sangkot sa sinasabi nilang "Electoral Sabotage". Hindi ako abogado at wala akong masyadong alam sa law. Ang tanong ko lang, sa isang oras na pag present ng mga kongresista sa impeachment complaint laban kay Corona (sa pamamagitan ng powerpoint presentation), naintindihan kaya ng lahat ng pumirma ang presentasyon na ito? Naintindihan kaya nila ang nilalaman ng complaint kahit kakaunti lamang sa kanila ang nakabasa at nagkaroon ng hard copy? Walang akong kinakampihan sa usaping ito, pero hindi ko din naman maiaalis sa isip ko ang motibo ng impeachment na ito. Ang alam ko "midnight appointee" ni Gng. Arroyo si CJ Corona, siguro isa ito sa mga dahilan. Isa din siguro sa dahilan ay nang tuligsain ng SC ang desisyon ng Malacanang na huwag palabasin ng bansa si Gng. Arroyo. Malamang din naman isa din sa dahilan ay ang desisyon ng SC laban sa Hacienda Luisita (huwag nang magpakaplastik pa!).
Kay Presidente Noynoy, sana lang kung gaano kabilis ninyong napalabas ang warrant of arrest kay Gng. Arroyo at gaano kabilis naihain ang impeachment kay CJ Corona, sana ganito din kabilis ang usad ng iba pang mga kaso sa bansa. Sana ganito din kabilis ang pag usad ng kaso ng Maguindanao Massacre, na hanggang ngayon nagdudusa pa ang pamilya ng mga namatayan. Sana ganito din ang pagkilos ng Gobyernong Aquino sa iba pang isyu ng bansa, ang walang pakundangang pagtaas ng gasolina (na parang nagpapalit lang ng sapatos kung magtaas), ang pagtaas ng mga singil sa tubig at kuryente, syempre pa kaakibat na dyan ang pagtaas ng mga bilihin. Simula ng umupo si Presidente Noynoy, puro pagtaas na lang ang nararamdaman ng mga tao. Pwera lamang ang pagtaas ng SAHOD! Sana po sa laki ng ibinabayad na tax ng mga tao, may maramdaman man lamang kami sa tax na halos umuubos sa aming sweldo! Puro tax na nga, eto meron pang balita na gusto pang lagyan ng tax ang SSS at Pag-ibig contributions. Aba naman, saan ba napupunta ang mga tax na ibinabayad ng mga tao?
Ang sinasabi ko lang naman, sana kung gaano kabilis kumilos ang Gobyernong Aquino sa issue ni Gng. Arroyo ay sana ganun din kabilis ang pagkilos niya sa iba pang isyu ng bansa. Alam ko na tuwang tuwa na ang Gobyernong Aquino dahil napakulong na nila si Gng. Arroyo, na sa totoo lamang ay lagi niyang sinasabi na ipapakulong niya ang mga may kasalanan. Huwag mo din sanang kalimutan ang taong bayan mahal na presidente, dahil sa mga nangyayari sa bansa, TAONG BAYAN lang naman po ang laging apektado.
Wala akong kinakampihan, gusto ko lamang masabi ang mga gumugulo sa isip ko. Ang gusto ko lamang ay isang maayos na bansa, magandang ekonomiya upang hindi na kailangan pang magtrabaho sa ibang bansa ang mga kababayan natin para lamang matustusan ang kani kanilang pamilya. Gusto ko lang ng magandang buhay para sa aking mga anak, magandang kinabukasan sa sarili nating bayan. Hanggang kelan kaya magtitiis ang taong bayan sa sitwasyon natin ngayon? Sabi mo Presidente Noynoy na kami ang BOSS mo, pero bakit parang hindi ko nararamdaman at nakikita iyon? Panahon naman siguro na taong bayan naman ang bigyan mo ng pansin. Patuloy ko pa din na ipinagdadasal ang bansa natin, alam ko na may pagkakataon pa na makabangon ang Pilipinas. Patuloy ko din na ipinagdadasal ang mga Pulitiko, sana naman wag lamang sarili ninyo lagi ang iniisip nyo. Sana naman ay huwag puro pangungurakot ang gawin ninyo.
Katulad ng sinabi ko, wala akong kinakampihan. Ang gusto ko lamang ang kapakanan ng taong bayan. Sa lahat ng mga nangyayari at mangyayari pa, taong bayan ang higit na apektado. Sabi nga ng aking bayaw........
"TRO sa Hold Departure Order. Arrest Warrant for GMA. Redistribution of Hacienda Luisita Ordered by SC. Ganito pala maglaro ng chess ang elite. Sino kaya machecheckmate ? I hope hindi taumbayan".
No comments:
Post a Comment